Ang Aba, Ginoong Maria ay unang nalathala sa Doctrina Christiana4 na
nalimbag noong taong 1593. Ito ang kaunaunahang aklat na nailathala sa
Pilipinas. Ito ang pagkakasulat sa aklat na yaon:
ANG ABA GUINOO MARIA
"Aba, guinoo Maria matoua cana, napopono ca nang gracia, ang panginoon
dios, ae, nasayyo. Bucod cang pinagpala sa babying lahat. Pinagpala
naman ang y yong anac na si Jesus. Santa Maria yna nang dios,
ypanalangin mo cami macasalanan ngaion at cun mamatai cami. Amen
Jesus."5
Ang mga nagsalin ng panalanging Aba, Ginoong Maria ay mga Kastila. Sila
ay gumamit ng mga salitang Tagalog na ginagamit noong mga panahong iyon.
Ito ang dahilan kung bakit ang Pasiong Mahal na unang nailathalala
noong 1884 ay may ‘Panalangin ng Taong Kristiano kay Ginoong Santa
Maria.’6 Maliwanag na ang pagtawag sa Mahal na Birhen ng ‘Ginoo’ ay
bahagi na ng ating panitikang panrelihiyon at nakasanayan na ng mga
naghahalihaliling salinlahi sa Katagalugan.
Huwag nating kakalimutan na nagbabago ang wika sa pagtagal ng panahon
sapagka’t ito nga ay ‘buhay.’ Sa katotohanan, maging ang wikang Filipino
ay lumalago at pinagyayaman ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas (1987)
na nagsasaad:
"The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it
shall be further developed and enriched on the basis of existing
Philippine and other languages."7
Magbalik tanaw tayo sa kasaysayan. Isinalin ng mga Kastila ang Aba,
Ginoong Maria (Dios te salve, Maria) sa wikang Tagalog. Kanilang ginamit
ang mga salitang umiiral noong siglong iyon. Ginamit nila ang salitang
‘Ginoo’ tanda ng paggalang sa Mahal na Birhen. Ayon sa mga dalubhasa sa
wikang Tagalog, ang Ginoo ay may mas malalim na kahulugan. Ang salitang
‘Ginoo’ ay ginagamit sa pagtukoy sa isang lalaki o babaing may
karangalan. Ang ating pambansang bayaning si Gat Jose Protacio Mercado
Rizal Alonzo y Realonda na isang taal na Tagalog mula sa Calamba, Laguna
ay sumulat ng Sa Mga Kababayang Dalaga ng Malolos na ganito ang kanyang
tinuran:
"Pukawin ninyo ang sigla at sipag,
maginoong asal, mahal na pakiramdam at huag isuko ang pagkadalaga sa isang mahina at kuyuming puso."8
Malinaw na para sa pambansang bayani, ang maginoong asal ay hindi lamang
para sa mga lalaki bagkus ay marapat din para sa mga babae. Sa madaling
sabi, ang mga babae ay dapat na mga maginoo rin. Ang sulat ni Dr. Jose
Rizal sa mga dalaga ng Malolos, Bulacan9 ay hindi lingid sa kaalaman ng
mga mag-aaral sa mataas na paaralan at kolehiyo sapagkat ito ay
isinasama sa mga babasahing itinatakda ng mga guro sa asignaturang Ang
Buhay, mga Gawa at mga Sinulat ni Rizal na bahagi ng kurikulum sa ating
mga paaralan. Lumalabas na ang tunay na kahulugan ng ‘Ginoo’ ay marangal
o ikinararangal, maging lalaki man o babae.
Ayon sa Tagalog-English Dictionary ni Leo James English,
ang isa sa ibig
sabihin ng ‘ginoo’ ay “a title of respect or honor.”10 Ang ‘maginoo’
naman ay kasinhulugan ng “marangal, mapitagan, magalang at
mapagbigay.”11 Gayundin sa Vicassan’s Pilipino-English Dictionary, ang
maginoo ay kasinhulugan ng ‘marangal.’12
Samantala, ayon naman sa UP Diksyonaryong Filipino ng Surian ng Wikang
Filipino, ang ‘maginoo’ (pangngalan) ay isang “tao na magalang, matapat,
at may mabuting kalooban.”13 Ito rin ay isang “taguring pamitagan sa
isang tao.”14 Maalala natin na ang salitang ‘maginoo’ ay hango sa
unlaping ‘ma’ at sa salitang ugat na ‘ginoo.’
Ang The Filipino with English Dictionary ay nagsasaad na ang
‘maginoo’ [ginoo] ay ang “sinumang nagtataglay ng ugaling matapat sa
kanyang sinasabi” at ito rin ay “taguring pamitagan sa isang tao, ng
marangal niyang lipi o angkang pinagbuhatan at ayon pa rin sa taas ng
karunungan kanyang pinag-aralan at tinataglay.”15
Malinaw na sa pasimula
ang ginoo (o maginoo) ay
ginagamit na patungkol
sa mga taong mararangal, maging lalaki man o babae. Hindi nagbago ang
kahulugan nito sa kasalukuyan ayon sa mga talatinigang Tagalog bagamat
mas angkop na gamitin ito na patungkol sa mga lalaki ngayong makabagong
panahon. Hindi dapat kaligtaan ang katotohanang bago pa man nagkaroon ng
talatinigan ang wikang Tagalog o maging ng wikang Pilipino (na ngayon
ay tinatawag na “Filipino”) ay naisulat na at nailathala ang Aba,
Ginoong Maria noong taong 1593. Lalung-lalo na, wala pang mga
nagsisipagsulputang sekta nang magkaroon ng Aba, Ginoong Maria.
May mga tumututol din sa pagtawag kay Maria na Ginoo sapagkat anila ang
ibig sabihin ng ‘Ginoo’ sa salitang Bisaya ay ‘Panginoon.’ Tila baga
wala sa katinuan ang pagpunang ito. Magkaibang-magkaiba ang balarila ng
Tagalog at Bisaya kaya hindi dapat na gamitin ang panuntunan ng isa para
sa isa. Hindi dapat paghambingin ang duhat sa durian. Tulad ng ang
Tagalog lamang ay may “opo” sa halip na “oo,” gayundin namang ang
Tagalog lamang ang gumagamit ng Ginoo sa pagtukoy sa Mahal na Birhen.
Ito ang sariling kagandahan ng wikang Tagalog.
Hindi rin tumpak na sabihing labag sa Banal na Kasulatan na tawagin ang
isang babae na ‘panginoon.’16 Sa katunayan, sa Genesis 16:8-9, si Sarai
ay tinawag na ‘panginoon’:
"At sinabi, Agar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling? At saan ka
paroroon? At kanyang sinabi, Ako’y tumatakas mula sa harap ni Sarai na
aking panginoon.
At sinabi sa kanya ng angel ng Panginoon, Magbalik ka sa iyong panginoon, at pahinuhod ka sa kaniyang mga kamay."